Saturday, March 31, 2012

Ang Ginintuang Baka Sa Ilalim ng Simbahan ng Pulilan


Ang Ginintuang Baka Sa Ilalim ng Simbahan ng Pulilan

Nuóng unang panahon, hindi pa ipinaglilihi si Sabél, bago pa ipinanganak si Samuél Belibet, at naging tao si Metusalem – matagal na matagal pang panahon bago lumunsad at sakupin ng mga ganid na puting banyaga  ang  mga puta-putaking isla ng sa ngayon ay pinangalanang Pilipinas, ang dalawang bulkan sa Gitnang Luzón ay matagal nang nanahimik sa kanilang paghimlay, kaya nga’t  ang kanilang huling pagsambulat ay nawala na sa ala-ala ng mga katutubo. Ang dalawang himala ng kalikasang ito’y sa kasalukuyan ay kilalang kilala sa katatawagang Bundok Arayat at Bundok Makiling.

Naging mahiwaga ang mga ito sa mga katutubo dahil sa malaking paniwala na ang dalawang bundok ay pinanahananan ng dalawang diyosang engkantada. Hindi nila alam kung  ano ang katatawagan sa kanila. Maraming magandang katangian ang mga nabanggit na mga engkantanda na ang pinakatampok ay kanilang kagandahan, kabaitan at pagkamatulungin sa mga katutubong naninirahan sa ibaba ng dalawang bundok. Kaya naman sila ay itinuring ng mga mahiwagang diyosa na mga tagapangalaga ng kalikasan.

Nang dumating ang mga kastilang mananakop, isa sa naging kinalabasan ng pangangaral ng mga dayuhang prayle sa pagpapakalat ng araling Kristiyanismo ay ang pagkakasugpo sa mga katutubong paniwala na hindi na-aayon sa doktrina ng Simbahan. Kung hindi masugpo ay binigyan naman ng banyagang kakulayan, at isa sa mga kinahinatnan ay ang pagbibigay ng pangalang Maria sa dalawang diyosang engkantada. At nakilala na nga ang dalawa bilang Maria Makiling at Maria Sinukuan. Sa pagkaka-‘binyag’ sa kanila ng  pangalang tinaglay ng Ina ng Diyos ayon sa doktrina Kristiyana , lalong  kumalat at dumami ang mga salaysay tungkol sa dalawang engkantada.

Ano ang kaugnayan ng Bundok Arayat at Bundok Makiling at sa dalawang diyosang duo’y nanahanan sa kasaysayan ng Pulilan, lalong lalo na sa salaysay sa Gininintuang Baka na nakabaon sa ilalim ng kabayanan ng Pulilan? Ang ulo ay nasa tapat na tapat sa altar ng simbahan. Malaking bahagi ng katawan nito ay lampas sa kahabaan ng buong simbahan. Dahil sa kalakihan ng Ginintuang Baka, ang kabuntutan nito ay halos umabot na sa ilalim ng katubigan ng sa ngayo’y tinatawag nating Ilog Angat.

Ang bagong teknolohiya ay nagbibigay ng pamamaraan upang maintindihan ang kaugnayan ng dalawang bundok sa bayan ng Pulilan.  Sa pamamagitan Google Earth ay maaaring makita ang dalawang bundok sa tatlong dimensyon. Kung gagawa ng isang linya upang mapag-unay ang mga bundok na ito, kapansin pansin na ang linyang ito ay tapat na tapat na babagtas ng Pulilan.  Sa masusing paglilimi naman sa mga katangian ng  dalawang diyosa sa Bundok Makiling at Bundok Arayat, masasabi na halos ay magkahintulad ang kanilang mga katangian, maliban sa isa na kay Maria Sinukuan lamang nalalaman – ang  pagsagip sa mga katutubong nagigipit sa buhay sa pamamagitan ng pagbibigay ng ginto. Dahil sa walang masasabi na may minahan ng ginto sa Gitnang Luson, saan nanggagaling ang gintong ipanangtutulong ni Maria Sinukuan? Ang kasagutan ay maibibigay lamang sa pamamagitan ng pagsasabi na sa katotohanan na ang dalawang diyosa ay isa lamang nilalang. Si Maria Sinukuan ay walang iba kung hindi si Maria Makiling din! Iisa lamang nasasabing dalawa. Bakit at paano maipagtatanggol ang pag-aangkin sa identipikasyon ng dalawa bilang isang nilalang lamang?

Kung iisa si Maria Makiling at Maria Sinukuan, paano siya nakapaglilipat sa dalawang bundok? Maaaring siya ay lumilipad sa himpapawid;  o kaya nama’y naglalakbay sa ilalim ng lupa? Mas malaki ang posibilidad na ang pangalawang paraan ang ginagamit ni Maria Makiling o Maria Sinukuan. Mayruong isang lagusan sa ilalim ng lupa (‘tunnel’ sa inglés) na nag-uugnay sa dalawang bundok.  Sa pamamagitan nito ay walang sagabal na nakapaglilipat-lipat siya sa Bundok Arayat at Bundok Makiling. At sa ilalim ng lupa sa lagusang nabanggit ay may mina ng ginto na kung saan kumukuha si Maria upang ipantulong sa mga nangangailangang katutubo. Ang minang ito ay nasa ilalim ng lupa sa bayan ng Pulilan na tapat ng simbahan.

Sa nagawang salaysayin ay naipakita ang kaugnayan ng Bundok Arayat at Bundok Makiling at ang diyosang naninirahan dito. Ang pisikal na kaugnayan  ay ang napakahabang lagusan sa  ilalim ng lupa na dumadaan sa tapat na tapat ng simbahan ng Pulilan na kung saan nakabaon ang Ginintuang Baka. Ang isang katanungang malaki ay bakit nang itayo ang simbahan ito’y natapat sa kinalalagyan ng Ginintuang Baka. Ito kaya ay sinadya o pinagtiyap-tiyap na pagkakataon lamang? 

Ang simbahan sa Pulilan ay hindi naging dayuhin ng mga deboto, hindi kagaya ng mga simbahan sa Antipolo at sa Manoag, Pangasinán na dinudumog ng mga nagbibigay galang (reverence) sa Mahal na Birheng Ina ni Jesús.  Ito’y dalawa lamang sa labing-apat na simbahang  ang patrona ay Mahal na Birhen na pinandarayuhan ng mga deboto mula iba’t ibang panig ng kapuluan. Ang mga simbahang ito’y may isang katangian. Ang kanilang kinatatayuan ay mga pook na dating pinagkakatipunan o pinag-aalayan ng mga babaylanas o catalonas -  mga katututubong saserdotisas na mga pareng babae na nagpahirap sa mga sinaunang prayle sa kanilang pagpapalaganap ng Kastilang Kristiyanismo.  Isa sa naging paraan ng mga sina-unang prayle para sugpuin ang mga catalonas ay gibain ang mga lugar na pinagtitipunan ng mga ito at tayuán ng simbahan.

Ang patron ng ating simbahan ay ang San Isidro Labradór at hindi ang Mahal na Birhen. Ganuon pa man ay maaring masabi na ang kinalalagyan ng simbahan ay may kinalaman sa mga babaylanes.  Ayon sa isang dalubhasa, ang Calumpit ay isa sa pinakamalalaking sentro ng mga catalonas at sa may Talampas naman sa Bustos ay isang lugar na pinagdadausan ng pagkakita-kita o pag-aalay ng mga catalonas.  Ang pinakakaraniwang paraan ng pagpapalipat lipat mula sa Bustos at Calumpit ay maaring palakad, nguni’t  malamang ay sa pamamangka o paglalayag  sa ilog. Sa anumang paraan ay tiyak na daraanan nila ang Pulilan. Malamang sa hindi ay naging ‘pahingahan’ o naging ‘stop over’ ng mga babaylan ang sa ngayo’y kabayanan ng Pulilan na kung saan ginaganap din ang aking kanilang pag-aalay o pag-galang sa mga anito. Nang dumating ang mga Kastila, dahil sa ang pook ay nalamang pinagsasambahanan, minabuting dito itayo ang simbahan.

Para sa mga katutubo ang daigdig esperituwal (spirit world) ay may iba’t ibang antas. Ang pinakamataas ay si Bathala Meicapal.  Nasa ibabang antas ay ang espiritu na kinikilalang diyosas o diyoses ng kalupaan, kabundukan, at iba pa. Ang  pinakamagandang halimbawa ay si Maria Sinukuan na walang iba kundi Maria Makiling. Mayruon din namang mga tagapangalaga sa kalikasan (environmental spirits) na naninirahan sa puno, ilog, punso, at iba pa. Mahigpit na pinaniwalaan na ang mga kaluluwa ng mga matatandang namamatay ay sumasama sa mg espiritung ito kaya nga’t tinawag silang mga nonos o anitos. Ang babaylan ay siya lang ang may kapangyarihang makipag-ugnay sa kanila sa pamagitan ng pag-aalay o pagbibigay galang. At kung may nakakaalam ng kinalalagyan ng minang ginto, malamang sa hindi ay ang mga babaylan ang kauna-unahan.

Nang masugpo ang mga babaylan at maitayo na ang simbahan, ang lihim ng tungkol sa ginintuang baka ay unti unting nabunyag sa ilang piling katutubo at, sa bandang huli ay nakaabot sa kaalaman ng prayleng nadestino sa simbahan ng Pulilan. Nang sakupin ng mga Amerikano ang Pilipinas, nabalita na ang simbahan ng Pulilan ay gigibain at tatayuan ng mas malaki at matibay. Hindi pumayag ang kura paroko at mga taga-bayan sa gusto ng mga Amerikano. Ang pinakatanging dahilan sa pagpapakita ng interes ay umabot sa kanilang kaalaman ang tungkol sa minang ginto sa ilalim ng simbahan. Ang mahigpit na oposisyon ng kura paroko at mga taong bayan sa binalak ng mga Amerikano ay naging kadahilanan kung bakit ang Ginintuang Baka ay nanatili sa ilalim ng simbahan ng Pulilan hanggang sa ngayon at sa mga hinaharap na panahon habang ang simbahan  ay mananatiling nakatayo sa kasalukuyang kinalalagyan.

Ulat ni Lolo José
Linggo, Abril  1, 2012
Melbourne, Australia

3 comments:

leo rennison said...

very informative thanks a lot...

retiradong guro si lolo josé said...

Ginoong Leo Rennison,
Iyan po ay nanggaling sa iba't ibang sources:
- Alamat ni Maria Makiling at Maria Sinukuan
- Tala ng mga prayle tungkol sa mga babaylan
- kuwento tungkol sa minang ginto sa ilalim ng simbahan ng Pulilan
- geographical basis of the town of Pulilan, Bulacan in relation to Mt Makiling in Laguna and Mt Arayat in Pampanga
- at pinakahuli ay ang fertile imagination ng inyong lingkod na sinalihan ng kaunting humour sa paglalagay sa pinakahuli ng kuwento ng petsang Abril 1, 2012.

Mary Louise Sanchez said...

Thank you po sa information Lolo
Jose. :-)